Wednesday, March 17, 2010

Sariling bersyon ng "Indolence of the Filipino": Tamad nga ba si Juan?

Tamad nga ba si Juan?

Ito ang isa sa mga katanungan ang uukilkil sa isipan ng sinuman kung susuriing mabuti ang ibig sabihin ng pagiging tamad. Ano nga ba ang ibig sabihin ng katamaran? Ito ba ay simpleng kabaligtaran lamang ng kasipagan? Ano ang kasipagan kung ganoon? Ang kasipagan ba ay nasusukat sa pamamagitan ng dami ng nagawang trabaho? O ito ba ay nabibigyang kahulugan sa pamamagitan ng kalidad at kahalagahan ng nagawang trabaho? O ito ba ay ang pagmamahal at pagpapahalaga dito na ipinapakita sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng maigi at masigasig? Kung ang huling depinisyon ang pagtutuunan ng pansin, maaari bang masabi na ang katamaran ay nangangahulugang walang pagmamahal sa trabaho at hindi pagtatrabaho ng maigi? Masusukat nga ba ang kahulugan ng kasipagan o katamaran sa dami o kawalan ng ginawang trabaho? O mas higit pa dito ang kahulugan katamaran? Sapat na ba ang ganitong klase ng pag-iintindi sa daynamiko ng semantiks ng katamaran?

Sino nga ba ang taong masasabing tamad? Ito ba ang mga taong nagsaka mula madaling araw hanggang ika-sampu ng umaga at nagpahinga na lamang pagkatapos? O ito ba ang mga taong nakaupo sa de-aircon na opisina ng gobyerno habang nagbabasa ng dyaryo at umiinom ng malamig na mineral na tubig? Ang katamaran ba ang siyang pangunahing dahilan kung bakit hindi umuunlad ang Pilipinas?

Marami ang nagsasabi na tamad ang mga Pilipino, na ang mga Pilipino ay hindi marunong magmahal sa kanilang trabaho, lagi na lamang nagpapahinga at nakatunganga, at mahilig magsayang ng oras sa paggawa ng wala. Sinasabing tamad ang Pilipino dahil madalas sa hindi na nakikita sila sa nakatambay sa labas ng kanilang bahay, o kung hindi naman ay nakikipagtsismisan sa kanilang kapitbahay ng umagang-umaga. Ang ganitong senaryo ay karaniwang nakikita sa mga mahihirap na lugar sa kabihasnan at mangilan-ngilang lugar sa probinsya. Sinasabing tamad ang Pilipino dahil konting trabaho lang ay magpapahinga na agad sila. At madalas sa hindi, ang katamaran na ito ay sinasabing dahilan ng kahirapan ng bawat Pilipino. Ito ay madalas na ginagawang sangkalan upang bigyang rason kung bakit hindi umuunlad ang ating bansa. Ito ay kadalasang ginagamit upang paliwanagan ang mga kapalpakang nangyayari sa Pilipinas (halimbawa ang madalas sabihin ng mga tao: Kaya naghihirap ang mga Pilipino dahil ang tatamad eh).

Ngunit kung titingnan ng mabuti, hindi masasabing tamad ang mga Pilipino sa tunay na kahulugan ng pagiging tamad. Ito ay sa kadahilanang ang mga Pilipino ay masisigasig sa kanilang trabaho, isang bagay na makikita sa kultura ng mga katutubo natin. Ang ganitong katangian ng mga Pinoy ay kilala maging sa ibang bansa dahil sa mga OFWs. Isa pang dahilan ay tinitingnan kasing katamaran ang pagpapahinga. Ang mga magsasakang nagpapahinga tuwing ika-sampo ng umaga hanggang sa makalipas ang init ng araw ay sinasabing tamad, ngunit ang hindi nakikita dito ay ang katunayan na ang mga magsasakang ito ay nagsimulang magsaka ng madaling araw pa lamang. Ang balik-bayang OFW ay hindi masasabing tamad kung siya man ay magbuhay-donya panandalian. Katamaran na bang matatawag ang pagpapahinga matapos ang isang mabigat na trabaho? Gaya nga ng sabi ni Rizal, hindi naman ang pagtatrabaho at pagkita lamang ang silbi ng isang tao., kundi ang paghahanap ng kanyang kasiyahan.

Hindi ang katamaran ang siyang nagbubunga ng kahirapan ng bansa, bagkus ito ay ang kabilagtaran. Ang sinasabing katamaran ng Pilipino ay dulot ng mga salik ng lipunan tulad ng kasaysayan at kultura, nanatiling ideolohiya sa lugar, ekonomikong kalagayan, at pulitikal na aspeto. Ito ay bunga lamang ng isang mahabang panahon ng kolonisasyon ng mga Espanyol, ng kahirapan ng bansa, at ng isang hindi magandang sistema ng pamamahala ng gobyerno sa kasalukuyan.

Alam naman nating lahat na ang katangiang “mamaya na” ay hindi sariling atin, dahil ito ay tumataliwas sa kultura at paniniwala ng sinaunang katutubo ng bansa. Ang ganitong katangian kasama pa ng siesta at pagpunta ng huli sa mga kasiyahan ay ilan lamang sa mga kaugalian ng kastila na siyang nakuha ng ibang Pilipino sa atin bilang manipestasyon ng tinatawag na passive racism. Ang mga ito ay nakaapekto sa kaugalian ng Pilipino ukol sa trabaho at iba pang aspeto ng buhay.

Walang tambay sa kanto kung sila ay mga nabigyan ng oportunidad na magtrabaho at makapag-aral. Hindi sila magiging “tamad” kung ang sila ay nagkaroon ng liberasyon sa pamamagitan ng edukasyon at gabay ng pamahalaan. Kung sila ay nabigyan ng oportunidad na magkaroon ng trabaho, hindi sila magiging tambay. Subalit ang isang pang tanong dito na hindi mabigyan ng tamang kasagutan ay: Sino ang gaganahang magsumikap sa ilalim ng isang dispahiladong sistema kung saan ang kurapsyon at pagnanakaw ay talamak (katulad na lamang din noong panahon ng kastila)? Hindi ko naisin na maging aktibista, isa lamang ito sa mga katanungan na pumasok sa aking isipan.

Maaaring may tama at mali sa bawat sistema, may maganda at pangit sa mga ideolohiyang mayroon ang isang sistema, subalit kung patuloy na hindi itatama ang mali at hindi gagamutin ang pangit, magpapatuloy ang sinasabing “katamaran” ng Pilipino. Bagaman madaming salik ang sanhi ng katamaran, at bagaman tila hindi kasalanan ng Pilipino kung bakit siya naging tamad, marapat lamang na malaman ng bawat isa na tayo ay mga taong pinagkalooban ng kakayahang mag-isip ng kritikal. Ang kakayahan na mag-isip ay gamitin sana upang malunasan ang sakit na tinatawag na katamaran.

No comments:

Post a Comment

Popular posts

Daily What