"Hindi ako Emo. Bitter ako." -Anonymous
Parte sana ito ng Acknowledgement ko sa aking thesis, pero dahil hindi sila kasya sa dalawang pages (single spaced) na inilaan ko para sa pasasalamat, dito ko na lang sila ilalalagay.
May mga bagay talagang kailangang pagdaanan ng isang tao para siya ay matuto. Pero kung paulit-ulit lang din ang nangyayari, malamang na hindi pa natututo ang taong iyon. Malamang na hindi pa siya nagkakaroon ng enlightenment sa kanyang buhay kaya dapat niyang pagdadaanan ulit ang mga napagdaanan niya.
May recurring dreams, recurring events, at kung anu-ano pang paulit ulit na bagay sa buhay ng isang tao. Tipong parang History repeats itself lang ang drama. Parang may pattern ang lahat. Tulad nga recurring dreams at recurring events, may tipo din ng mga tao na may common denominator. Meron akong exhibit ng mga taong nanakit sa akin sa nakaraan sa iba't ibang panahon at paraan, pero isa lang ang kinakalabasan: Rebound ako.
MAJOR LEAGUE
Exhibit A. Ultimate crush. Mahabang panahon din akong na-emo sa kanya. Hindi ko din alam kung bakit. Wala naman siyang binibigay na clue. Ako lang talaga siguro ang tanga. Pero alam ko at hindi lang ako naga-assume, may isang punto sa buhay ko na naging rebound niya ako. Syempre kabe-break lang nila ng syota niya nun, kaya bigla na lang siyang nagparamdam. Ako naman si Tanga, ayun kinilig-kilig pa. In the end, wala din namang nangyari. Nagpaasa siya, umasa naman ako.
Sa tuwing naaalala ko ang sarili ko noong mga panahong sobrang head over heels ako sa kanya, natatawa na lang ako. Iba talaga ang nagagawa ng infatuation at rose colored glasses sa kabataan.
Exhibit B. The One. Hardcore ang pagkaemo ko sa kanya. As in. Isang taon akong on the loose at lutang. Madami akong nasulat na kalungkutang siya ang nagsanhi. Madami akong nainom na beer at naiyak na luha. Siya ang kabuuan ng playlist ko dahil siya yun. Bakit nga ba ako na-emo ng sobra sa kanya? Dahil sa kanya ako nagbigay ng chance sa sarili ko na mag-open ng doors (na hindi ko ginagawa talaga) para sa iba. Isa siya sa mga taong binigyan ko ng chance para makilala yung lampang ako. Pero bigla na lang siyang nawala. Nag-disappear. Nag-teleport sa ibang dimensyon. Naiwan ako sa ere. Jaded.
After ilang taon ng what ifs, what could have beens, what might have beens, confirmed: Rebound ako. Saan ko nalaman? Facebook. Iba talaga ang nagagawa ng teknolohiya.
MINOR LEAGUE
Exhibit A. Pers boypren in college. May mga desisyon ako sa buhay na hindi ko talaga alam kung bakit ko ginagawa. Siya ang isa sa mga taong ayoko nang balikan at alalahanin sa buhay ko. Hindi dahil ako ay bitter at apektado niya, kundi dahil nahihiya ako sa sarili ko na pinatulan ko ito. Wala akong pakialam sa hitsura, pero importante saken ang personality at academic background. At yun ang mga bagay na sumablay siya kaya hindi ko talaga lubos maisip kung ano ang pumasok sa isip ko nung mga panahong iyon para gawin siyang boypren. Iba talaga pag pressured at bata pa, kung anu-ano ang naiisip gawin. Anyway, ayun. Since usapang rebound ito, rebound niya ako. Pero ang matindi, nagcheat din siya sakin. Dapat siguro nasa Major League siya no? Kaso hindi ganun kasakit ang epekto, kaya minor league lang.
Exhibit B. Ultimate Jerk. May mga taong jerk talaga eh. Hindi maiiwasan yun. Alam mo yung magpaparamdam lang pag may kailangan? Yung magpaparamdam lang kapag may problema at kapag nawawalan ng supply ng babae? Ito yun. Mangungulit nang mangungulit. Minumuara mo na, makulit pa din. Tangina lang. Tipong ginagawang object ang isang babae. Umpisa pa lang, alam kong rebound na ako nito. Kabe-break lang nila ng long time gelpren, ako naman ang kinukulit. Pwede ba? May history na nga ako ng pagiging rebound. Tama na.
Exhibit C. Seasonal Kainuman. Hindi naman niya ako lubusang nasaktan kasi una pa lang alam ko na agad ang hanap niya. Pero that does not mean na hindi ako naging rebound sa kanya. Masaya naman siyang kasama, kaya lang oops. Hanggang dun lang talaga. Mabait siya sa mabait, pero kaso gets?
Exhibit D. Paasang Tunay. Hindi ako ang tipo ng nag-aassume. Pero sa isang ito, minsan lang ako nag-assume, sablay pa. Ayun, nadale ang ego ko. Buset.
Para sa mga nandito sa exhibit na ito, salamat sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ko sana matatapos ang thesis ko. LOL. Pero seryoso, may natutunan ako sa inyong lahat: Huwag masyadong kampante sa mga nangyayari sa paligid. Lahat kayo ay nagturo saken kung paano maging bitter at matatag. Bwahaha. FTW.
With this, I shall rest my case.
No comments:
Post a Comment